MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ng kaso ng Quezon City Police ang ilang mga militante na sinasabing lumikha ng gulo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue kasabay sa isinagawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III kamakalawa.
Batay sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, nakilala ang mga sasampahan ng kaso na sina Gloria “Bea” Arellano, secretary general ng KADAMAY; Cherry Clemente ng Migrante; Clista Palabay ng KARAPATAN; Orly Marcillana at Margie Laguit Flores ng BAYAN-ST; Danilo Ramos ng KMP; George San Mateo ng Piston; Liza Maza ng Gabriela at Renato Reyes ng BAYAN; at Arturo Capellan, 20.
Si Capellan, ang raliyistang inaresto ng pulisya makaraang mahuli sa akto na pumupulot ng bato at nambasag sa winshield ng dump truck na ipinangharang sa mga raliyista.
Ayon kay Chief Inspector Rodel Marcelo, hepe ng CIDU, ang mga nabanggit na lider ng mga militanteng grupo ay sasampahan ng mga kasong malicious mischief, physical injuries at damage to properties. Sabi ni Marcelo, hinihintay pa nila ang resulta ng imbestigasyon para sa karagdagang kasong isasampa laban sa kanila.
Nauna rito, iginiit ni QCPD director Chief Superintendent Mario Dela Vega na hindi sa hanay ng pulisya ang nagsimula ng giriian sa kilos-protesta.
Giit nito, pinairal umano nila ang maximum tolerance sa kabila ng pambubuyo ng mga raliyista subalit naging madugong batuhan ang nangyari kung saan 19 na pulis ang sugatan habang 16 naman ang nasaktan sa mga demonstrador.