MANILA, Philippines - Nadakip na ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang barangay chairman na bumaril at pumatay sa kanyang kapwa chairman noong Sabado ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Iniharap kay Manila Mayor Alfredo Lim ni MPD director, Chief Supt. Alex Gutierrez ang suspect na si Bgy. Chairman Jonathan Florendo 50, ng Brgy. 480 Zone 47, at anak nitong menor-de-edad, kapwa residente ng #1121 Carola St., Sampaloc.
Sinasabing ang anak ni Jonathan ang nag-abot ng baril na ginamit ng kanyang ama sa pagbaril kay chairman Hilario Romano, 56, ng Brgy. 743 Zone 47, ng Algeciras St., Sampaloc, Maynila.
Nabatid na nagtago pansamantala ang suspect at anak nito sa Room 501-B ng Lourdes Mansion sa Alhambra St. Ermita, Maynila matapos ang krimen.
Dakong alas-5 ng hapon nang maaresto ng mga tauhan ni Supt. Rolando Balasabas, Station Commander ng MPD-Station 4 (Sampaloc) ang suspect habang nag-eempake ng kanilang mga gamit. Narekober kay Florendo ang kanyang kalibre 45 na baril.
Matatandaan na dakong alas-9:15 ng gabi noong Sabado ay nagsasagawa ng monthly zone meeting ang mga Chairman ng Zone 47 sa Barangay Hall ng Brgy. 478 sa may Ma. Cristina St., Sampaloc nang dumating na nakainom umano si Florendo at may dala pang isang bote ng alak.
Nagsimula ang pagtatalo ng biktima at suspect nang pag-usapan ang paglalagay ng barangay tanod sa Ramon Magsaysay High School para sa seguridad ng mga mag-aaral.
Lalong uminit ang pagtatalo ng dalawa nang sagutin umano ng biktima ang suspect na huwag na itong tumulong sa paglalagay ng barangay tanod kung kontra sa panukala.
Sa puntong ito, binunot umano ng suspect ang kanyang 9mm na baril pero maagap na naagaw ito ni Brgy. Chairman Ruben Peña at napalabas sa barangay hall si Florendo.
Subalit tumawag ang suspect sa anak at ipinadala ang isa pang baril na ginamit kay Romano. Itinutok at ipinutok ni Florendo ang baril sa bintanang salamin sa direksiyon ng biktima.
Ang suspect ay kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng MPD-Station 4 at nakatakdang ilipat sa MPD-Homicide Section kasunod ang pagsasampa ng kaso sa Manila Prosecutor’s Office.