MANILA, Philippines - Sunud-sunod ang nagaganap na pamamaril sa mga barangay official matapos na isang barangay kagawad naman ang binaril at napatay ng mga hindi pa nakikilalang suspect sa harap ng barangay hall sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Namatay habang ginagamot sa University of Santo Tomas Hospital si Kagawad Amir Kasan ng Brgy. 384, Zone 39, District 3 sa Quiapo, Maynila.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa panulukan ng Globo de Oro at Quezon Avenue, sa Quiapo.
Ilan umano ang nakakita na dalawang hindi nakilalang suspect ang namaril sa biktima kung saan kaswal lamang na naglakad palayo sa pinangyarihan ng insidente.
Agad namang naisugod ang biktima sa nasabing pagamutan matapos magtamo ng tama ng bala sa katawan pero hindi rin naisalba ang buhay nito.
Nakarekober naman ang pulisya ng tatlong basyo ng .45 kalibre ng baril sa crime scene. Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaril sa biktima.
Matatandaang Hunyo 28 nang pinagbabaril at napatay si Brgy. Chairman Sainal Shariff Pararanam ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspect habang noong Sabado naman ay binaril at napatay naman ni Chairman Jonathan Florendo ang kanyang kapwa chairman na si Hilario Romano.