MANILA, Philippines - Patay ang isang 23-anyos na lalaki na sinasabing walang habas na nagpapaputok ng baril at nagawa pang manlaban sa rumespondeng mga kagawad ng pulisya nang gantihan ito ng mga putok ng baril sa Baseco Compound, Port Area, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Alinor Amatunding, 23, tubong Agusan Del Sur, miyembro ng Commando gang at residente ng Baseco Compound, Port Area.
Samantala, isinailalim na sa interogasyon ng Manila Police District-Homicide Section ang mga tauhan ng MPD-Ermita Police Station 5, na sina P/Insp. Danilo Anselmo , hepe ng Bagong Lupa Police Community Precinct (PCP) at tauhan na sina PO3 Carlos Limbo at PO3 Pierre Bautista.
Sa ulat, dakong alas-5:30 ng hapon naganap ang nasabing insidente sa harapan ng Baseco Elementary School sa 2nd St., Baseco.
Bago ang insidente, nakatanggap ng tawag mula sa barangay tanod ang nasabing PCP commander hinggil sa walang habas na pagpapaputok ng baril ni Amatunding na kanilang tinungo.
Nang marating ang lugar, mabilis umanong tinutukan ng baril ni Amatunding ang isang tricycle driver at inutusang itakbo na subalit hinabol siya ng grupo ng pulis hanggang sa makorner sa 2nd street.
Sa halip na sumuko ay pinaputukan nito ng baril ang mga pulis kaya napilitan ang mga huli na gumanti kung saan tinamaan ito at nasawi.
Narekober sa lugar ang isang kalibre 9 MM na baril; walong bala at isang kitchen knife.