Manila, Philippines - Patay ang isang construction worker makaraang paputukan ng shotgun ng security guard na nakaalitan ng kanilang grupo sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Nasawi habang ginagamot sa Quezon City General Hospital ang biktima na kinilalang si Michael Garavel, 30, steelman at residente ng Westbank Road, Maybunga Pasig City bunga ng tinamong tama ng bala ng shotgun sa kanyang tiyan.
Nangyari ang krimen mga pasado alas-11:20 kamakalawa ng gabi sa steeling barracks sa compound ng Megawide Construction sa Sto. Cristo, Quezon City.
Mabilis namang tumakas ang itinuturong salarin na si William Reyes, security guard ng Caraga Security Agency at nakatalaga sa nasabing kompanya.
Una rito, nakipag-inuman umano ang biktima sa kanyang kapatid na si Renald at kasamahang si Roland Espinosa sa isang videoke bar sa kalapit na lugar at ng makatapos ay pabalik na sana sila sa kanilang barracks ngunit hinarang umano sila ng suspek at mga kasamahang guwardiya na sina Hatulan at Macaraeg.
Ayon sa mga kasama ng biktima, ikinatuwiran ng mga guwardiya na curfew na umano at hindi sila dapat pinapapasok.
Dahil dito nagkainitan umano ang kampo ng mga guwardiya at biktima dahilan upang kunin ng suspek ang kanyang shotgun at pagbalik ay binaril na nito ang biktima.