MANILA, Philippines - Mahigit sa 6,000 kagawad ng pulisya ang ipapakalat ng Quezon City Police para i-secure ang Batasang Pambansa at kalsada kung saan magsasagawa ng ikatlong State of The Nation Address (SONA) si Pangulong Benigno Aquino III sa July 23.
Ayon kay Quezon City Police District director Chief Superintendent Mario dela Vega, nakahanda ang kanilang tropa upang ayusin ang mga nasa bahagi ng Batasan habang pinananatili naman ang peace and order sa inaasahang mga militante na magsasagawa ng kilos-protesta sa may Commonwealth Avenue at iba pang lugar.
Sabi ni Dela Vega, ang ilang parte ng mga ikakalat na pulis ay nakatuon sa dati nang ginagawa ng kanilang tanggapan ang anti-criminality effort na kinabibilangan ng may 1,739 policemen.
Samantala, ayon naman kay Superintendent Richard Fiesta, hepe ng District Operations and Plans Division ng QCPD, binubuo ng may 818 policemen ang contingent ng civil disturbance management (CDM) para pagtibayin ang mga lugar kung saan magsasagawa ng kilos-protesta ang mga militante, partikular sa Commonwealth Avenue.
May 150 personnel din ang nakareserba sa sandaling kulangin ang mga ito. Bukod pa sa 70 traffic personnel na ipinakalat para magmantine ng daloy ng sasakyan sa mga kalsada patungo sa Batasan Pambansa.