MANILA, Philippines - Isang 28-anyos na ginang ang nadurog ang isang binti nang masagasaan ng tren sa panulukan ng Antipolo St. sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sa inisyal na ulat, lumalabas na may malalim na iniisip ang biktimang si Marissa Gomez, ng Lambakin, Marilao, Bulacan at dati umanong nakatira lamang sa gilid ng riles sa Antipolo St., nang ito ay naglalakad papatawid sa riles kaya hindi naririnig ang malakas na busina ng tren.
Dakong alas-12:30 ng hapon kahapon, nang maganap ang insidente sa west-bound ng railroad track, patungong Tutuban. Inoobserbahan pa ang biktima na isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center na diumano’y nadurog ang mga buto sa binti na posibleng maputulan.
Sa nakalap na impormasyon, tuliro umano ang ginang dahil sa kasalukuyan ay nakaburol umano ang anak nito sa kanilang bahay sa Bulacan, kung saan sila nai-relocate.