Baril inunan, pulis patay
MANILA, Philippines - Tama ng bala sa kanang tenga na tumagos sa noo ang ikinasawi ng isang 49-anyos na pulis-Maynila nang aksidenteng pumutok umano ang sariling service firearm na kanyang inunan at hinigaan upang magpahinga sa mismong tanggapan ng Zero Obstruction Section ng Manila Police District-Traffic Management Bureau sa Port Area, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Sinabi ni Senior Insp. Joselito de Ocampo, hepe ng MPD-Homicide Section, may ilang oras pang nakipaglaban sa kamatayan ang biktimang si SPO3 Hirro Hernandez, nakatalaga sa Manila District Traffic Enforcement Unit at residente ng Ambrosia Cruz St., Novaliches, Quezon City.
Nabatid na dakong ala-1:30 ng hapon ng Martes nang maganap ang insidente sa loob ng nabanggit na tanggapan.
Bago ang insidente, desk officer umano ang biktima nang dumating ang isang Ma. Fe Daus, 33, ng Phase I Mulawin St., Francisco Homes San Jose del Monte, Bulacan para bisitahin ang biktima.
Ilang sandali pa ay nakaramdam umano ng pananakit ng ulo ang biktima at ipinasya nitong hubarin na ang kanyang uniporme at nagpalit na ng sibilyan na damit saka humiga sa sofa at inilagay sa ilalim ng kanyang unan ang baril. Nagulat si Daus nang marinig ang malakas na putok na inakala niyang siya pa ang tinamaan subalit nakitang duguan na si Hernandez.
Mabilis na lumabas si Daus at humingi ng tulong sa mga kasamahan ng biktima na nagsugod naman dito sa Ospital ng Maynila (OSMA) kung saan ito idineklarang patay.
Ayon sa imbestigasyon, walang ibang sugat ang biktima maliban sa tama ng bala.
Kahapon ay isinailalim sa paraffin test si Daus para makatiyak lamang na walang foul play na naganap sa naturang insidente.
- Latest
- Trending