MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi kilalang lalaki ang isang binatilyong halos kahawig sa pangalan ng aktor na si Raymart Santiago habang naghihintay ng masasakyan sa Marikina City kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang 17- anyos na biktimang si Reymart Santiago at residente ng #89 Bantayog St., Concepcion Uno, Marikina City, bunsod ng tinamong tama ng bala sa ulo at katawan. Agad namang tumakas ang hindi kilalang mga suspek, lulan ng motorsiklo, bitbit ang armas na ginamit sa krimen.
Batay sa ulat ng Marikina City Police, dakong alas-10:15 ng gabi nang maganap ang krimen sa Bantayog St. corner B.G. Molina St., sa Concepcion Uno. Nag-aabang umano ang biktima ng masasakyan nang bigla na lang lapitan ng isa sa mga suspek at pagbabarilin.
Nang matiyak na patay na ang biktima ay kaagad na sumakay ang suspek sa isang naghihintay na itim na Honda Wave-125 at saka tumakas.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang motibo ng krimen at kung sino ang may kagagawan nito.