Saksak para kay kuya, sinalo ng utol

MANILA, Philippines - Nasa kritikal na kondisyon ang isang 21-anyos matapos nitong saluhin ang saksak na para sa kuya nito kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Ginagamot sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng saksak sa katawan ang biktimang si Raymond Zozobrado, 21, ng Baesa St., Sta. Quiteria ng nabanggit na  lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na si Mario Bahada, na kalugar ng biktima.

Ayon sa Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa nabanggit na lugar makaraang hamunin ng duelo ng suspek ang kuya ng biktima na si Reynan. Nang malaman ng  biktima ay agad na pinuntuhan ang kapatid subalit inabutan na ang suspek na may dalang patalim at nang sasaksakin si Reynan ay pumagitna si Raymond na naging dahilan upang siya ang masaksak sa katawan.

Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek habang dinala naman ang biktima sa nabanggit na ospital ng kanyang mga kaanak.

Show comments