MANILA, Philippines - Umaabot sa 404 pulis ang inireklamo ng kasong administratibo sa unang semestre ng taong kasalukuyan, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni P/Senior Supt. Jose Rayco, acting chief ng Internal Affairs Service –Intelligence and Investigation Division (PNP-IAS-ID), ang nasabing bilang ay naitala mula Enero hanggang Mayo 2012.
Nangunguna naman sa mga paglabag ay ang grave misconduct na kinabibilangan ng extortion, robbery, murder at kidnapping na naitala sa 77.8% o 314 pulis na nasangkot sa kasong administratibo.
Samantala, pumapangalawa ang neglect of duty 7.4% at pangatlo ang irregularity in the performance of duty sa nairekord na 4.3%.
Inihayag ng opisyal na mula 2006 hanggang Mayo 2012 ay nasa 10,124 kaso ang nabigyan nila ng resolusyon o nasa 83.6% (8,472) habang nasa 5,724 naman ang nakitaan ng probable cause.
Naitala naman sa 30 ang hinawakang high profile case ng nasabing tanggapan.
Nilinaw naman ng opisyal na ang mga kasong kriminal laban sa mga pulis ay nakasampa sa Office of the Ombudsman.
Ayon naman kay Atty. Raymundo Dingsay, chief ng Prosecution ng PNP-IAS, mula 1999 hanggang 2011 ay nasa 990 pulis ang nadismis, 625 ang pinatawan ng demosyon, at 3,622 naman ang nasuspinde.
Sa nasabing bilang ay hindi kasama ang 86 dinismis ng PNP-Directorate for Investigative and Records Management sa unang semestre ng 2012.