Misis ng Italian ambassador kinatalo ng bading

MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang binagsakan ng 54-anyos na bading makaraang madak­ma ng pulisya sa kasong pandurukot sa misis ng Italian ambassador kamakalawa sa Mandaluyong City.

Pormal na kinasuhan sa Mandaluyong Prosecutor’s Office ang suspek na si Molly Fuentes, hairdresser at nakatira sa bayan ng San Pedro, Laguna. 

Sa police report, lumilitaw na nasa loob ng Harris Metal Recycler surplus depot store sa panulukan ng Pioneer at Reliance Street ang biktimang si Silvana Novelli Fornari nang lapitan ng suspek.

Bahagyang binunggo ni Fuentes buhat sa likuran sabay hiniwa ang bag ng dayuhan subalit naramdaman naman ni Fornari ang ginawa ng suspek.

Gayunpaman, mahigpit na hinawakan ng biktima ang kanyang bag subalit nalaglag ang kanyang pitaka na mabilis na dinampot ni Fuentes at itinakbo.

Humingi naman ng saklolo si Fornari sa security guard na si Rodel Silverio kaya nadakip si Fuentes kung saan narekober ang pitaka ng biktima na nag­lalaman ng P7,000 cash at mga importanteng dokumento.

Inamin naman ng suspek ang pandurukot dahil sa hinala niyang mara­ming dalang pera ang biktima. 

Show comments