2 akyat-bahay bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Nagwakas ang pamimerwisyo ng dalawa sa miyembro ng Akyat-Bahay Gang na nanloob sa bahay ni ABS-CBN reporter Jay Ruiz matapos na mapatay sa pakikipagbarilan sa pulisya sa loob ng subdibisyon sa Quezon City kahapon ng umaga.
Ayon kay P/Supt. Ronnie Montejo, hepe ng Quezon City Police Station 6, ang mga nasawi ay walang pagkakakilanlan maliban sa natukoy ang isa sa mga suspect na nanloob sa bahay ni Ruiz, base sa kuha ng CCTV camera.
Naganap ang shootout nang muling bumalik ang grupo ng akyat-bahay na lulan ng Toyota Innova sa BF Homes Subdivision, Barangay Holy Spirit.
Nagawang makapasok sa subdibisyon ang grupo ng kawatan matapos na lampasan ang guwardiya sa outpost subalit namataan namang kahina-hinala ang naging galaw kaya minanmanan ito ng mga guwardiya.
Dito na nagpasyang tumawag sa himpilan ng pulisya ang mga guwardiya dahil sa kakaibang kilos ng grupo.
“Mabuti na lang ang mga guwardiya dito ay alerto, nang mapansin na paikut-ikot, bababa, sasakay tapos tatakbo na naman ang sasakyan, naghinala sila kaya tumawag na sa police station,” pahayag ni Montejo.
Agad na rumesponde ang pulisya kung saan namataan ang sasakyan subalit sa halip na huminto ay matuling umarangkada ang sasakyan kaya nauwi sa habulan.
Pagsapit sa panulukan ng Sandico at H. Ventura Street ng subdibisyon ay biglang pinaputukan ng mga kawatan ang mga operatiba ng pulisya na nauwi sa shootout.
Samantala, positibong kinilala ni Ruiz ang isa sa dalawang napatay na kabilang sa mga nanloob sa kaniyang bahay noong nakalipas na linggo.
Bukod dito, natagpuan din sa getaway vehicle na Toyota Innova ang Identification card ng misis ni Ruiz, mga anak, mga pagkain, ilang gamit sa bahay at mga kapitbahay na nabiktima ng nabanggit na grupo.
- Latest
- Trending