Obrero kinatay ng kabaro

MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa 27-anyos na construction worker makaraang pagsasaksakin ng kaniyang kabaro sa construction site sa Sobriedad Street, Sampaloc, Maynila kahapon ng madaling araw.

Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Jamil Estrebillo, tubong Quezon Province at stay-in sa #2200 Sobriedad Street sa nabanggit na lugar.

Tumakas ang suspek na si alyas Lester subalit dinakma naman ng pulisya ang isa sa kasamahan ng biktima na si Edgardo Garcia dahil sa kahina-hinalang salaysay sa naganap na krimen.

Sa ulat ni SPO2 Glenzor Vallejo, naganap ang krimen sa ginagawang gusali sa Sobriedad St. sa Sampaloc.

Sa salaysay ni Garcia sa himpilan ng pulisya, nakarinig lamang siya ng sigaw na humihingi ng tulong si Estrebillo at nang puntahan ay nakita niyang sinasaksak na ni Lester ang una.

Tinangkang awatin ni Garcia ang kaguluhan subalit napatay din ang biktima kaya humingi ng saklolo sa ilang barangay tanod.

Itinanggi naman ni Garcia ang krimen maging ang pagtakas ni Lester at nanindigang umawat lamang ito.

Show comments