Salvage victim lumutang sa ilog
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang matapos lumpuhin at paluin ng matigas na bagay sa ulo ay initsa na lamang sa Pasig River ang bangkay ng hindi pa kilalang lalaki sa bahagi ng Sta. Ana, Maynila at natagpuang lumulutang kahapon ng umaga.
Inilarawan ang biktima sa edad na 55-60, katamtaman ang katawan, kayumanggi ang kulay ng balat, nakasuot ng t-shirt at short pants.
Dakong alas-7:30 ng umaga nang mamataan ng mga residente ang palutang-lutang na bangkay sa Ilog Pasig sa tapat ng Villas Compound, Sta. Ana.
Sa tulong ng security guard na si Danny Avelino ay naitawag sa pulisya ang nakitang katawan.
Sa masusing pagsusuri, nagkabali-bali umano ang mga buto ng biktima mula sa hita hanggang sakong at basag din ang bungo.
Dinala naman sa St. Yvan Funeral Parlor ang bangkay ng biktima para sa awtopsiya at safekeeping.
- Latest
- Trending