MANILA, Philippines - Dalawang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution ang nagtagpuan sa isang kalsada habang nakagapos ang mga kamay at paa sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, nakilala ang isa sa mga biktima na si Albert John Morante, 21, ng Bambang St., Tondo, Manila.
Habang ang isang biktima ay tinukoy lamang sa alyas na Regala na kapitbahay ni Albert. Ang mga biktima ay natagpuan sa may harap ng isang bahay sa Brgy. Santol sa lungsod ganap na alas-5 ng madaling-araw.
Sinasabing nagpapatrulya ang barangay public safety officer (BPSO) na si Ronald Estrada sa lugar nang maispatan nito ang katawan ng mga biktima, habang walang buhay na nakabulagta sa lugar.
Sa inisyal na ulat, posibleng pinatay ang mga biktima sa pamamagitan ng pagsakal.
Ayon kay SPO1 Eric Lazo ng CIDU, ang dalawa ay personal na kinilala ng kapatid ni Albert na si Maria Rosario, 23, isang accountant.
Sinabi ni Maria na matagal nang hinahanap ng kanilang pamilya si Albert matapos na hindi na ito magpakita, makaraang umalis noong Lunes ng gabi sakay ng isang motorsiklo
Nang mabalitaan umano ni Maria na may natagpuang bangkay ng dalawang lalaki sa Quezon City ay agad siyang nagpunta sa CIDU at ipinakita sa kanya ang mga larawan kung saan nakumpirma niya na ang isa sa biktima ay ang kanyang kapatid.
Sabi ni Maria, wala umano siyang nalalaman na kaaway ang kanyang kapatid na nagtatrabaho lamang sa isang beauty parlor.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.