Kelot nalungkot, nagbigti
MANILA, Philippines - Labis na kalungkutan simula nang mangyari ang trahedya ng landslide sa kanilang lugar kung kaya ipinasya ng isang 24-anyos na lalaki na sinasabing nagkasakit sa pag-iisip na magpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili sa loob ng kanyang kuwarto sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Marvin Vacunawa, residente ng Visayas St., Brgy. Payatas sa lungsod.
Ayon sa pulisya, si Vacunawa ay natagpuan ng kanyang amang si Anthony Vacunawa sa loob ng kanyang silid sa ikalawang palapag ng kanilang bahay pasado alas-8 ng umaga.
Sinabi ni Anthony, ang insidente ay ika-apat na beses nang pagtatangka na ginawa ng anak sa kanyang buhay, kung saan madalas na ginagamit nitong tali ay straw na napipigtas umano kaya naisasalba ang buhay nito.
Nito umanong nakaraang linggo ay tinangka din umano ni Marvin na magpasagasa sa truck ng basura subalit nasagip ito ng kaniyang ama.
Nabatid mula sa ama ng biktima na taong 2000 nang magkaroon ng sakit sa pag-iisip ang biktima bunga ng tinamong trauma nang magka-landslide sa Payatas kung saan daan ang nasawi.
Batay sa ulat ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima pasado alas-5 ng hapon kamakalawa matapos umano nitong uminom ng kaniyang gamot.
Pasado alas-8 umano ng umaga kahapon nang tawagin umano niya para magkape ang anak subalit hindi ito sumasagot dahilan para sapilitan niyang buksan ang pintuan ng kuwarto nito at doon tumambad ang nakabigting anak.
- Latest
- Trending