MANILA, Philippines - Tinupok ng apoy ang Concepcion Public Market sa Brgy. Concepcion-Uno sa Marikina City kamakalawa ng gabi.
Nabatid mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) ng Marikina, ang sunog sa pamilihang bayan ay nagsimula ganap na alas-10:50 ng gabi na tumupok sa malaking bahagi ng palengke.
Nagtagal ng dalawang oras ang sunog na umabot sa ikalimang alarma at idineklarang fire-out ganap na alas-12:53 ng madaling-araw.
Base sa inisyal na report, ang sunog ay nagsimula sa tindahan ng tsinelas at mabilis na kumalat sa katabi pang mga stall kabilang ang malaking tindahan ng bigas.
Bukod sa iba’t ibang paninda ay tinupok din ng apoy ang may 1,000 kaban ng bigas na sinasabing kadi-deliver pa lamang noong maganap ang sunog.
Hinala ng mga nasunugang tindero na sinadya ang sunog dahil plano na umanong ibenta ang Concepcion Public Market.
Wala namang naiulat na nasawi o kaya’y nasaktan sa nasabing sunog na tinatayang milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa insidente.