MANILA, Philippines - Kasong kriminal ang iniharap ng mga tauhan ng Manila Police District sa ginang na sinesaryan ang sarili kamakailan sa Sta. Mesa, Manila.
Ayon kay Manila Homicide chief, Senior Inspector Joey de Ocampo, kasong paglabag sa Article 256 o intentional abortion ang kanilang inihain sa Manila Prosecutor’s Office laban sa naturang babae.
Sinabi rin ni De Ocampo na iimbestigahan din nila ang dalawang kasambahay na maaaring naging kasabwat ng ginang sa kanyang pagpapaanak sa sarili sa pamamagitan ng caesarian.
Matatandaan na nilaslas ng babae ang kanyang sariling tiyan nang 10 hanggang 15 sentimetro gamit ang isang kitchen knife noong nakalipas na Hulyo 5 ng taong kasalukuyan, bago hinugot ang sanggol na nagkakaedad ng 9-buwan.
Matapos mahugot ang sanggol, tinahi pa ng ginang ang kanyang sarili gamit ang ordinaryong karayom at sinulid na hindi na niya natapos.
Nasawi sa insidente ang sanggol.
Nang matuklasan ito ng kanyang kamag-anak ay agad siyang isinugod sa ospital subalit ang sanggol ay namatay din.
Kamakalawa rin natagpuan ang bangkay ng baby na inilibing sa isang bakanteng lote ng MMDA pumping station sa may Anonas St., sa Sta. Ana, Manila.