MANILA, Philippines - Hinihinalang nagpatiwakal ang isang 65-anyos na lolo upang takasan ang dinaranas na sakit na hika makaraang matagpuang nakabigti sa loob ng banyo ng bahay nito, kahapon ng umaga sa Makati City.
Dakong alas-10:00 ng umaga nang matagpuang wala nang buhay si Lolo Premitivo Odivales, ng San Nicolas St. Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati, habang nakabigti gamit ang isang electrical wire sa loob ng comfort room ng kanilang bahay.
Bago naganap ang insidente, humingi pa umano ng P5 ang nasawi sa kanyang kapitbahay para bumili umano ng kendi. Nagpaalam pa muna ito sa pamangkin na si Cris na magbabanyo muna ngunit hindi na lumabas.
Makalipas ang ilang minuto nagtataka si Cris kung bakit ang tagal sa loob ng banyo ng tiyuhin at hindi pa ito lumalabas hanggang sa magpasya nang puntahan ito. Nang katukin ni Cris ang biktima ay hindi ito nagbubukas kaya napilitan ang mga kaanak na sirain ang pinto kung saan tumambad ang nakabigting matanda.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Makati City Police na matinding depresyon sa kanyang buhay ang isa sa dahilan ng pagpapakamatay at bukod pa rito ay matagal na niyang dinadaing ang sakit nitong hika.