MANILA, Philippines - Isang sarhento ng Philippine Air Force ang inaresto dahil sa umano’y panunutok ng baril sa aktres na si Amalia Fuentes sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ang suspect na si S/Sgt. Sesinando Tee Jr., 39, ay nagpakilalang miyembro ng Military Intelligence Group, ay isinailalim sa inquest proceedings dahil sa reklamong grave threats.
Ayon kay Supt. Norberto Babagay, hepe ng Quezon City Police District-Station 11, nangyari ang insidente sa isang bahay ni Fuentes sa New Rolling Hills Subd., Brgy. Damayang Lagi, ganap na alas-5 ng hapon.
Ang nasabing bahay ay pinauupahan ni Fuentes kay Rosemarie Tee-Licup at asawa nito. Si Rosemarie ay kapatid ng suspect. Sinabi ni Babagay, nasamsam ng mga awtoridad kay Tee ang kanyang service firearm na .45 caliber Norinco.
Sinabi naman ni Fuentes sa awtoridad na nasa St. Luke’s Medical Center siya ng mga oras na iyon nang makatanggap ng text message mula sa kanyang helper na binabakante na ng mga Licup ang bahay at kinakarga ang lahat ng kanilang gamit sa isang container van.
Dahil may utang umano ang mga Licup sa kanya, nagpunta si Fuentes sa bahay sakay ng isang Mitsubishi Pajero (XNV-603) at dumating siya sa lugar at ipinarada ito katabi sa Hyundai Starex van (PTL-88) ng mga Tee.
Nang makita ng suspect ang aktres, ibinaba ni Tee ang glass window ng kanyang Starex at ipinakita ang kanyang baril na parang mamamaril.
Pero, nauna na umanong nakatawag si Fuentes ng pulis bago siya dumating sa lugar kung kaya ito inaresto.
Samantala, naghain din ng reklamo ang mga Licup laban kay Fuentes at anak nitong si Gerard Stevens para sa kasong grave threats, frustrated homicide, grave coercion, oral defamation at unjust vexation sa fiscal’s office.
Sinabi ng mag-asawa na nagbitaw ng mga masasamang salita si Fuentes laban sa kanila sa pagsasabing “Mga balasubas kayo! Lumayas kayo!”
Habang ang anak umano naman ng actress ay inutusan ang kanyang alagang asong pitbull na atakihin sila at paratangang mga magnanakaw.