Sekyu pinatay o nagpakamatay?
MANILA, Philippines - Palaisipan ngayon sa mga awtoridad ang pagkamatay ng isang security guard na natagpuang walang buhay at may tama ng bala sa baba sa loob ng security armory sa bangkong pinaglilingkuran nito sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon kay SPO1 Eric Lazo, may-hawak ng kaso, kinilala ang biktima na si Alfredo Surian, 42, security guard ng Gamilia Security Agency na nakatalaga sa Allied Bank at residente sa no. 74 Kaingin Road, Balintawak sa lungsod.
Lumilitaw sa imbestigasyon ni Lazo na si Surian ay natagpuan ng security guard na si Santiago Tabao, sa may security armory sa loob ng binabantayan nitong bangko sa no. 1396 Quezon Ave. Brgy. South Triangle ganap na ala-6:50 ng gabi.
Sinabi ni Tabao, nakatayo siya sa kanyang puwesto sa may bandang tower ng bangko at nagbabantay nang makarinig siya ng isang putok ng baril mula sa driverway nito.
Dahil dito, nagpasya si Tabao na tignan ang pinagmulan ng putok hanggang sa mapuna niya mula sa sahig ang pag-agos ng dugo galing mula sa direksyon ng security armory.
Agad na tinungo ni Tabao ang armory na noo’y nakakandado kung kaya’t agad nitong tinawag ang kanyang kasamahang si Patricino Caagbay na agad namang ipinabatid ang insidente sa kanilang superior.
Dito na bumulaga sa kan yang harapan ang duguang katawan ng biktima katabi ang M16 rifle na nasa gawing ibaba naman ng paa nito.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa pamumuno ni Sr. Insp. Konrad Aguilla, narekober sa lugar ang nasabing armas at magazine na may 29 na bala at isang basyo nito.
Ang biktima ay nagtamo ng isang tama ng bala sa baba na naglagos sa may gawing itaas ng ulo na siyang agad na ikinamatay nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending