MANILA, Philippines - “Huwag tularan, snatcher ako!”
Ito ang nakasulat sa karatulang nakalagay sa bangkay ng isang nakaposas na salvage victim na natagpuan sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ng Criminal Investigation Division Unit ng Quezon City Police, ang biktima na nasa edad na 25-30, katamtaman ang pangangatawan, moreno, nakasuot ng kulay pulang long sleeve, maong na pantalon, maikli ang buhok, at may tattoo sa tiyan na markang “NOH128” HENRY CORNEJOS” at “BCJ”sa kanang tuhod.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay natagpuan ng mga nagpapatrolyang barangay tanod sa may kanto ng Banahaw at Batang Sts. sa Bgy. Kaunlaran ganap na alas-3:50 ng madaling-araw.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. May nakita ding mga basyo ng bala ng kalibre 25 baril na hinihinalang ginamit sa pamamaslang sa biktima.