MANILA, Philippines - Inaalam ngayon ng Southern Police District (SPD) ang pagkakasangkot ng limang miyembro ng “Acetelyne Gang” sa santambak na kaso ng panloloob sa mga sanglaan sa Metro Manila sa pamamagitan ng paghukay ng “tunnel” makaraang madakip ang mga ito, kamakalawa ng umaga sa Las Piñas City.
Sa ulat ng SPD, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang matiyempuhan ang mga suspect na sina Jim Bautista, Aldo Malamak, Juna Wangrika, Jack Asanta at Atul Anag. Isang tip ang unang natanggap ng pulisya sa muling pagsalakay ng grupo sa isang sanglaan sa naturang lungsod.
Natiyempuhan ng mga tauhan ng SPD ang limang suspect habang abala sa paghuhukay ng tunnel patungo sa loob ng DM Garcia Pawnshop sa may Angela Village, Zapote, Las Piñas.
Ayon kay Chief Insp. Danilo Mendoza, pinuno ng arresting team, malaki ang posibilidad na ang naturang grupo ang may kagagawan ng iba pang insidente ng panloloob ng mga sanglaan sa lalawigan ng Cavite at sa Pasay City.
Pinaniniwalaan naman na may iba pang kasamahan ang mga suspect na target ngayong maaresto ng pulisya.