Manila, Philippines - Wasak ang mukha at lasog ang katawan ng isang 65-anyos na sampaguita vendor nang masagasaan ng isang provincial bus sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng hapon.
Dead-on-the-spot matapos magulungan at pumailalim pa ang katawan sa Raymond Bus ng biktimang kinilalang si Pacita Romero o Lola Mameng, residente rin ng Sampaloc.
Nasa kustodiya na ng Manila Police District-Traffic Enforcement Unit ang sumukong driver na kinilalang si Alfonzo Sullestre Jr., ng Raymond Bus Transport.
Sa inisyal na ulat, tumatawid umano ang biktima habang bitbit ang inilalakong sampaguita nang masagasaan ng rumaragasang bus dakong ala-1:45 ng hapon sa may panulukan ng Legarda at H. Lacson St. sa Sampaloc.
Pabalik na umano ang bus sa terminal nito na matatagpuan sa Sta. Teresita, Sampaloc nang maganap ang pagkasagasa.