MANILA, Philippines - Dahil sa mga pabayang kontraktor na naglalatag ng aspalto sa mga kalsada, aabot sa 661 manholes sa Metro Manila ang natuklasan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nawawala na isa sa dahilan ng pagbabaha sa Kamaynilaan.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na ito ang natuklasan nila sa imbentaryo ng kanilang flood monitoring teams kung saan ang mga dating manholes ay napatungan ng mga aspalto na kagagawan ng mga kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Karaniwan umano na gabi nagsasagawa ng pagkukumpuni ng mga kalsada ang mga kontratista ng DPWH at nagmamadali pa kaya posibleng hindi na nai-konsidera ang matatabunan na mga manholes.
Isa umano ito sa dahilan kung bakit nahihirapan ang kanyang mga tauhan na tanggalin ang mga barang basura sa mga drainage system sa mga kalsada dahil sa hindi mahanap ang mga manholes.
Umaasa naman si Tolentino na aaksyunan na ng DPWH-NCR ang naturang problema at pananagutin ang kanilang mga kontratista sa mga kapalpakan.
Sa kabila nito, umaabot pa rin sa 182 trak ng basura ang nakolekta ng MMDA matapos ang kasagsagan ng ulan nitong nakaraang Martes.
Dumipensa naman ito na hindi lamang kapag bumabaha nagsasagawa sila ng declogging. Ginagawa umano nila ito kada buwan sa loob na ng 2 taon sa kanilang programang “Estero Blitz”.
Ngunit dahil sa sadyang matigas ang ulo ng mga taga-Metro Manila at kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura, patuloy pa rin ang pagbara nito sa mga natural na daluyan ng tubig na siyang dahilan ng nararanasan ngayong pagbabaha.