3 holdaper bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Muli na namang naka-iskor ang hanay ng Quezon City Police District (QCPD) la
ban sa mga kriminal makaraang tatlong holdaper ang nasawi matapos na makipagpalitan ng putok sa operatiba ilang minuto makaraang holdapin ang isang on-line casino sa lungsod, kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Chief Insp. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation Division ng QCPD, isa pa lamang sa tatlong nasawi ang nakilala na si Ramie Salopisa, 34; habang ang dalawa naman na walang pagkakakilanlan ay isinalarawan sa edad na 23-25; payat; may tattoo na “dragon” sa likod at nakasuot ng itim na checkered short pants at itim na t-shirt na may tatak na “Boss Balita” habang ang isa ay may taas na 5’5, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng asul na t-shirt at camouflage short at bullcap.
Sinabi ni Marcelo, dead on the spot sa lugar ang tatlo habang nakatakas naman ang dalawa pang mga kasamahan nito.
Narekober sa mga suspect ang dalawang kalibre .45 baril at 1 kalibre 38 revolver; pitong piraso ng basyo ng kalibre 9mm, walong piraso ng basyo ng kalibre .45, tatlong depormadong bala; at isang Toyota Revo na walang plaka.
Narekober din ang ilang mga kagamitan ng mga kawani at kostumer sa hinoldap nilang on-line casino tulad ng cellphone at pera.
Nangyari ang insidente sa loob ng E-games na matatagpuan sa 3rd Floor ng Pascual Bldg. Quirino Highway, Brgy. Gulod ganap na alas-2 ng madaling-araw nang biglang pumasok ang mga suspects na armado ng baril at nagdeklara ng holdap.
Nilimas ang kaha at maging ang mga gamit ng mga kostumer, bago tuluyang nagsitakas sakay ng kanilang get away car na Toyota Revo.
Agad namang humingi ng responde sa pulisya ang mga tauhan sa establisimento kung saan nakasagupa ng mga awtoridad ang mga suspect sa kahabaan ng Samonte Road, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches.
Nang tangkaing pahintuin ng awtoridad ang mga suspect, nagsipagbabaan ang mga ito mula sa sasakyan saka pinaputukan umano ang tropa ng una.
Sa puntong ito, gumanti ng putok ang mga operatiba at makalipas ang ilang minutong palitan ng putok ay nakitang duguang nakabulagta ang tatlo sa mga ito, habang nakatakas naman ang dalawa pa nilang kasamahan.
- Latest
- Trending