Metro Manila binaha sa LPA

MANILA, Philippines - Lumubog sa tubig-baha ang malaking bahagi ng Metro Manila sanhi ng walang humpay at malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng Low Pressure Area (LPA), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.

Ayon kay Undersecretary Proceso Domingo, Officer-in-Charge ng NDRRMC, kabilang sa mga binahang lugar ay ang Pio del Pilar, Brgy. Tejeros at Brgy. La Paz sa Makati City na hindi madaanan ng mga behikulo sanhi ng mataas na tubig-baha.

Sa Quezon City , abot sa gulong ng sasakyan ang baha sa kahabaan ng Commonwealth area malapit sa kanluran ng Old Balara Church; barado sa tubig-baha ang Quezon Boulevard underpass habang ang tubig-baha sa kahabaan ng  V. Luna St., ay mula  20 cm hanggang gulong ng kotse.

Iniulat din ang mga pagbaha sa Brgy. 177 Zone 18 Magkaisa St., Malibay, Pasay City na hindi madaanan ng mga maliliit na behikulo.

Nabatid na sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ) Kabilang sa mga binaha sa Caloocan City ay ang Brgy. 34 na hanggang tuhod ang tubig baha; Brgy. 29 hanggang binti gayundin rumagasa rin ang baha sa Brgy., 33, 28,14, 8 at 18.

Sa Malabon ay ang Catmon, Sitio 6 na nasa 6-8 inches ang baha, Tatawid at Panghulo (2 inches) at Borromeo (45 inches) habang sa Navotas ay baha naman ng hanggang gulong sa M. Naval at Governor Pascual na lagpas sa gutter at inaasahang tataas pa ang tubig sanhi ng high tide.

Ayon sa opisyal, bunga ng malalakas na pag-ulan ay kinansela ang pitong flights sa biyahe ng eroplano galing Caticlan, Malay, Aklan patungong Manila. (Joy Cantos, Angie dela Cruz, Doris Franche-Borja at Lordeth Bonilla)

Show comments