MANILA, Philippines - Isang Korean national ang iniulat na nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti, kamakalawa ng umaga sa naturang lungsod.
Isinugod pa sa Parañaque Medical Center ang biktimang si Jung Jinoung, 52, ngunit hindi na rin ito umabot ng buhay.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng umaga kamakalawa nang madiskubre ng misis ng nasawi na si Kim Min Kyung ang nakabigting asawa sa loob ng shower room ng kanilang bahay sa Nicanor Tomas St., Phase 6A, Brgy. BF Homes, ng naturang lungsod.
Kaagad na tinawag ni Kim ang kanilang mga anak at pinagtulungan nilang alisin ang nakapulupot na kawad sa leeg ng biktima na ang kabilang dulo ay itinali naman sa biga sa loob ng shower room.
Nananatiling tikom ang bibig ng mga kapamilya ng nasawi sa posibleng dahilan ng papapatiwakal nito. Habang wala namang makitang marka ng anumang kaguluhan sa loob ng bahay ng biktima, gayunman patuloy pa rin ang imbestigasyon upang alamin kung may naganap na foul play sa pagkamatay nito.