Away sa negosyo, motibo sa QC masaker
MANILA, Philippines - Away sa negosyo ang umano’y motibo sa pagmasaker ng mag-aama sa tatlo nilang kaanak at ikasugat pa ng dalawa sa pamamagitan ng pamamaril sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Ayon kay PO3 Loreto Tigno, nakilala ang mga nasawi na sina Grace Tan, 50, kapatid na si Arsenio Tan, 49, at Anthony Michael Tan, 25.
Dead-on-the-spot sa lugar ang magkapatid na Grace at Arsenio, habang si Anthony Michael naman ay dead-on-arrival sa Fe del Mundo Hospital.
Ang mga sugatan ay sina Abegail Tan, 22, at Angeles Abante, 39, katulong ni Grace Tan na naninirahan sa #35 B. Kabignayan St., Brgy. Tatalon sa lungsod.
Si Abegail ay naka-confine ngayon sa Fe del Mundo Hospital dahil sa tama ng bala sa kamay habang si Abante naman ay sa St. Luke’s Medical Center dahil sa tinamong tama ng bala sa likod.
Nakapiit naman sa Criminal Investigation Division ng Quezon City Police District (CID-QCPD) ang mga suspect na sina Glenn Tan, 45, negosyante at mga anak niya na sina Amerson, 19; at Alaster, 18.
Base sa sinumpaang salaysay ni Abegail, ang kanilang pamilya umano ay may negosyong auto parts supplies.
Sinabi nitong sinabihan umano ng kanyang tiya na si Grace at amang si Arsenio si Glenn na umalis na lang sa negosyo ng kanilang pamilya dahil nahuli itong nagnanakaw at kumukuha ng stocks ng hindi nagdedeliber ng resibo. Mayroon din umanong sariling auto parts supply shop si Glenn.
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Abegail nang mangyari ang insidente nitong Linggo ng alas-2:10 ng hapon, dumating ang kanyang tiyuhing si Glenn at pinsang si Amerson sa bahay ng tiyahing si Grace. Ayon kay Abegail, nagpunta si Glenn sa bahay para talakayin kina Grace at Amerson ang umano’y problema nila sa supplier kung saan sa loob ng kanilang kusina sila nag-usap. Naroon din umano sa kusina ang katulong.
Ilang sandali pa ay narinig na ang sunud-sunod na putok ng baril kung saan nakita niyang duguan at nakahandusay na ang kanyang ama at mga kapatid nito. Binaril din umano siya ni Amerson.
Dahil sa komosyon sa bahay ng mga Tan, naalarma ang mga residente sa lugar at tumawag ng police.
Agad namang rumesponde ang mga operatiba at nakorner si Glenn na sakay ng isang Toyota Fortuner (NIR-327) para tumakas. Nakuha kay Glenn ang isang .9mm na baril.
Matapos maaresto si Glenn ay kusa namang sumuko sa awtoridad ang kanyang mga anak.
Sa presinto, ayaw namang magbigay ng komento ang mga suspect sa nasabing insidente.
- Latest
- Trending