4 killer ng ginang, tiklo
MANILA, Philippines - Makaraan ang siyam na araw, nadakip na ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang apat na lalaki na mga suspect sa pamamaril at pagpatay sa isang ginang sa tapat ng isang paaralan sa Malabon City.
Sina Crisanto Mendoza, Alvin Tolentino, Emmanuel Ocampo, at Mark Tolentino, ay itinuturong mga sangkot sa pagpaslang sa biktimang si Erlina Sta. Maria, 39, ng Tumares St., Tugatog, Malabon City.
Sa ulat ng NPD, nadakip ang mga suspect sa pinagtataguang safehouse sa may Sta. Monica, Novaliches, Quezon City makaraang makatanggap ng impormasyon ang pulisya sa kinaroroonan ng mga ito. Sa pagsalakay ng pulisya, nakuhanan pa umano ang mga suspect ng ilang pakete ng hinihinalang shabu.
Matatandaan na binaril at napatay si Sta. Maria dakong alas-9:30 ng gabi noong Hunyo 21 sa tapat ng Tugatog Elementary School. Dinala ang biktima sa Pagamutan Lungsod ng Malabon ngunit hindi na umabot ng buhay dahil sa tama ng bala sa balikat at leeg.
Isinasailalim sa imbestigasyon ang mga suspect upang mabatid ang motibo ng pamamaslang habang nahaharap na ang mga ito sa kasong murder at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2010.
- Latest
- Trending