Resolusyon na gawing capital ng Pilipinas ang QC, aprubado ng konseho
MANILA, Philippines - Naipasa na ng Quezon City Council ang isang resolusyon na humihiling sa Kongreso na pag-aralan at magpatupad ng isang batas upang maideklara ang lungsod bilang capital ng Pilipinas.
Nakasaad sa resolusyon na marapat lamang na ang QC ang gawing capital ng Pilipinas dahil ito ang pinakamalaki sa Metro Manila o National Capital Region at kilala bilang pinaka-mayamang lungsod sa bansa. Ang lungsod din umano ay naipangalan sa dating Pangulong Manuel L. Quezon.
Bukod din na ang QC ay dati nang capital ng Pilipinas, sa lungsod din matatagpuan ang mga pambansang tanggapan ng pamahalaan tulad ng Batasang Pambansa Complex na kinaroronan ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso, malalaking unibersidad tulad ng Ateneo de Manila University at University of the Philippines.
Nasa QC din ang mga tanggapan ng pamahalaan tulad ng DAR, DA, DENR, LTO, BIR,NSO, MWSS, PNPRI, SSS, NPO, NAPOCOR, PDEA, NIA at iba pa, mga pangunahing broadcasting networks at mga ospital tulad ng Heart Center, Kidney Center at Lung Center.
- Latest
- Trending