MANILA, Philippines - Inireklamo ng isang newspaper dealer ang pamunuan ng University of Perpetual Help Dalta Medical Center sa Las Piñas City dahil sa hindi umano patas na pagbibigay ng atensyong medikal sa isang newspaper boy na biktima ng hit-and-run, kamakailan.
Sa reklamong ipinaabot ni Myrna Jimenez sa PSN, hindi umano naging tama ang pagtrato ng mga doktor at staff ng naturang pagamutan sa kanyang newsboy na si Ranilo de Luna, 44, makaraang mabangga at takbuhan ito ng isang kotse sa may Alabang Road, Las Piñas. Nagbibisikleta si De Luna upang maghatid ng dyaryo sa mga puwesto nang mabangga ng isang rumaragasang kotse dakong alas-5 ng madaling-araw.
Agad na isinugod sa naturang pagamutan ang biktima makaraang magtamo ng malaking sugat sa ulo. Sa reklamo ni Gng. Jimenez at ng anak nitong si Ma. Elena, inirekomenda ng mga doktor sa Emergency Room na isailalim sa CT Scan si De Luna upang mabatid kung may pinsala sa ulo kung saan pumayag naman sila at nagbigay ng downpayment na P15,000 sa P60,000 na sinisingil sa operating room.
Ngunit alas-9 na umano ng umaga ay hindi pa naisasagawa ang CT scan sa biktima. Nagawang matahi at ma-CT scan lamang umano ito nang magpakilala na si Jimenez na dealer ng mga dyaryo at may kontak sa media. Ngunit isa pang inirereklamo ng mga ito ay nang ihatid ang pasyente sa ward room ay pinatayo pa ito at pinaglakad tungo sa kanyang higaan dahil sa kawalan ng wheel chair sa kabila ng pagrereklamo na nahihilo ito.
Sinabi ni Jimenez na ikinatwiran umano ng head nurse ng pagamutan sa kanilang reklamo na hindi naman umano kritikal ang sitwasyon ni De Luna habang inaalalayan naman umano ng kanilang mga staff sa paglalakad nito.
Sinabi naman ni Melanie Miraflor, customer service desk ng pagamutan, na nakatakdang magpalabas ng opisyal na tugon ang kanilang mga opisyales ukol sa naturang reklamo.