MANILA, Philippines - Patay ang isang Quezon City police makaraang burdahan ng saksak at saka binaril pa ng kanyang kapitbahay kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Nakilala ang biktimang si SPO1 Harry de Ocampo, 46, ng EDSA Balintawak, Gana Compound, Brgy. Unang Sigaw, Quezon City.
Sa ulat, ganap na alas-4:30 ng hapon papasok na sana sa naturang compound ang biktima nang biglang sumulpot ang suspek na si Philip Carpio, 37, kapitbahay ng pulis na napag-alaman na madalas na naghahamon ng away lalo na kung lasing.
Batay sa salaysay ng saksi na isang Reynaldo Cruz, na nakita niya ang biktima na agad humandusay sa daan makaraang pagsasaksakin ng suspek sa di malamang dahilan.
Bagama’t may mga saksak na, sinubukan pa umano ng biktima na kunin ang kanyang baril na nakasukbit sa bewang at saka binaril ang suspek pero hindi ito tinamaan.
Dahil nanghihina na ang biktima, nagawang agawin ng suspek ang baril ng una at ito na rin ang armas na ginamit sa pagbaril sa naturang pulis.
Natamaan naman ang biktima ng bala ng baril sa kaliwang dibdib dahilan ng kanyang kamatayan.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol dito.