MANILA, Philippines - Ikinulong ang isang bagitong parak makaraang bawiin ang pag-aari nitong video karera na kinumpiska ng mga pulis kahapon sa Valenzuela City.
Nakilala ang pulis na si PO1 Ferdinand Adap, 27, nakatalaga sa Navotas City Police Station at residente ng San Francisco St., Brgy. Karuhatan, Valenzuela City.
Dakong alas-12:30 ng tanghali, nabatid na nakatanggap ng reklamo ang mga pulis hinggil sa video karera sa Bagong Kaunlaran, Paso de Blas ng nasabing lungsod na naging dahilan upang respondehan at kumpiskahin ang video karera machine.
Dinala ang video karera sa Police Community Precinct 1 at ala-1:30 ng hapon ay nagpunta doon si Adap at gustong bawiin ang video karera na sinasabing pag-aari niya. Dahil dito, dinakip si Adap at sinampahan ng kasong illegal gambling.