Manila, Philippines - Nasawi ang isang negosyante makaraang magbaril sa sarili sa hindi pa mabatid na dahilan, kahapon ng madaling-araw sa Marikina City.
Naisugod pa sa Marikina Valley Medical Center ang biktimang si Conrado Danilo Arevalo, 58, contractor ng sapatos, ng Pine St., Brgy. San Roque, ng naturang lungsod, ngunit nalagutan din ng hininga dahil sa tama ng bala sa ulo.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-4 ng madaling-araw nang rumesponde ang mga tauhan ng Marikina Rescue Unit sa bahay ng biktima makaraang makatanggap ng tawag sa mga kapamilya ni Arevalo na nangangailangan ng tulong medikal.
Inabutan ng mga rumesponde ang duguang biktima na nakahandusay sa maliit na bodega ng sapatos malapit sa kanilang bahay. Unang inakala na inatake lamang sa puso at nabagok ang ulo ng biktima ngunit sa pagsusuri ay nagtamo ito ng tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa kaliwang sentido.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang motibo ng posibleng pagpapakamatay o kung may naganap na “foul play” sa insidente.