Koreana natagpuang patay sa condo
Manila, Philippines - Walang saplot sa pang-ibabang bahagi ng katawan nang matagpuan ang bangkay ng isang Koreana sa loob ng inuupahan nitong condominium unit sa Mandaluyong City, kamakalawa ng hapon.
Hinihinalang pinatay sa sakal ang biktimang si Lee Ru Da Lee, alyas Irene Lee, 32, at naninirahan sa 1604 Tower 2, Pioneer cor. Madison Sts., ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Mandaluyong City Police, dakong alas-2:05 kamakalawa ng hapon nang matagpuan ang bangkay ni Lee ng kanyang kasintahan na si Joseph John Cabrera, 32, at kaanak ng biktima na si Sukyung Shim. Agad na iniulat ng mga ito ang pagkakatagpo sa security guard ng condominium na tumawag naman ng responde sa pulisya.
Sa inisyal na imbestigasyon, inabutan ng mga pulis ang bangkay ni Lee na nakalilis ang asul na tube dress habang walang suot sa pang-ibaba. Hindi naman umano magulo sa loob ng kuwarto habang inaalam pa kung may naganap na pagnanakaw sa mga gamit nito.
Base naman sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Joemer Puzon, posible umanong kakilala ng biktima ang salarin dahil sa walang nakitang indikasyon na sapilitang pinasok ang kuwarto habang hindi umano nakakandado ang pinto nang pasukin nina Cabrera at Shim.
Sa imbestigasyon kay Cabrera, sinabi nito na pilit niyang kinontak ang kasintahan sa pamamagitan ng text messages at pagtawag sa cellular phone nito ngunit hindi sumasagot. Dito niya pinapunta ang driver na si Manny Guzman na hindi umano pinapasok ng mga security guard ng condo dahil sa hindi kakilala kaya napilitan siya na mismo ang pumunta kasama si Shim.
Patuloy ngayon ang malalimang imbestigasyon ng pulisya upang makilala ang mga salarin. Isinailalim na rin ang bangkay ng biktima upang mabatid kung ginahasa muna ang biktima bago pinaslang ng salarin.
- Latest
- Trending