'Tirador' sa MRT timbog

Manila, Philippines -  Arestado ang isang 30-taong gulang na mandurukot sa loob ng Metro Rail Transit (MRT) sa Mandaluyong City, kahapon ng umaga.

Ang suspek na ngayon ay naka­kulong na sa Mandaluyong City Police ay nakilalang si Mike Vergara , tubong Ligao Albay at naninirahan sa Purok 2, Cabuyao, Laguna.

Dinukutan ng suspek ang isang pa­sahero ng MRT na si Art Villanueva, 25.

Sinabi ng biktima na sumakay siya ng MRT sa Shaw Boulevard patungo ng Taft Avenue, dakong alas-7:30 ng umaga. Nakasuot umano siya ng headset habang nakikinig ng music mula sa kanyang cellphone na naka­lagay sa kanyang harapang bulsa ng pantalon.

Ayon sa biktima, sumiksik umano sa kanya ang suspek at palihim na dinukot ang kanyang wallet na kanya namang naramdaman kaya agad nitong hinawakan sa kamay at ipina­aresto sa mga guwardya ng MRT.

Show comments