Manila, Philippines - Patay ang isang 23-anyos na ginang at dalawa niyang mga menor-de-edad na anak matapos matabunan ng buhangin ang kanilang barung-barong mula sa tumagilid na truck na magde-deliber sana nito sa isang compound sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya, nakilala ang mga nasawi na sina Jennelyn Tabajonda, 23, at mga anak na sina Jessie, 3; at Kristel, 2, nanunuluyan sa isang compound sa Maria Clara St. sa Brgy. Sto. Domingo, sa lungsod.
Sa imbestigasyon, ang mga biktima ay natabunan ng halos 3/4 ng may 10 toneladang buhangin, dagdag pa ang mga scaffolding at haligi ng kanilang bahay kung kaya halos magkalasug-lasog ang mga katawan ng mga ito at ugat para sila masawi sa insidente.
Sinasabing dahil sa pagkakatabon, hindi naging madali ang ginawang rescue operation ng mga awtoridad, kung saan matapos ang halos tatlong oras ay naunang nahugot mula sa pagkakatabon si Jennelyn at kasunod ang anak na si Jessie, habang tumagal naman halos limang oras bago naiahon si Kristel.
Nagawa pang maisugod sa United Doctors Hospital ang mag-inang Jennelyn at Jessie pero idineklara din itong dead-on-arrival, habang si Kristel naman ay binawian ng buhay sa National Orthopedic Hospital.
Dakong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang trahedya kung saan nakatayo sa nasabing compound ang barung-barong ng nasabing pamilya na caretaker ang ka-live-in ng ginang na si JR Rabadajo.
Nasa loob ng bahay ang mag-iina nang dumating ang isang 10- wheeler truck (UGX-436) na minamaneho ni Jerome Doctolero, 41, para magdeliber ng buhangin.
Ang kabuuan umanong kargang buhangin ng truck ay aabot sa 10 tonelada, na pilit na inakyat ni Doctolero paitaas sa kabila ng malambot na ang lupa nito bunga ng pagbuhos ng ulan.
Dahil dito, tumagilid ang nasabing truck hanggang sa bumuhos ang karga nitong buhangin sa barung-barong ng mga biktima at matabunan ang mga ito.