MANILA, Philippines - Hinatulan ng dalawang huwes sa Marikina City Regional Trial Court ng 12-habambuhay na pagkakulong ang lider ng isang kulto makaraang mapatunayan sa kasong panggagahasa sa 15 nitong babaeng kasapi kabilang ang ilang menor-de-edad.
Sa inilabas na hatol nina Judge Marie Lyn Andal ng Marikina Metropolitan Trial Court Branch 92 at Judge Lorna Catriz-Cheng Chua ng Marikina Regional Trial Court Branch 168, napatunayan na nagkasala ang akusadong si Antonio Dumala Faelnar, founder ng Global Empire Covenant of the Divine Government sa panggagahasa sa kanyang mga miyembrong babae.
Nabatid sa rekord ng korte na bukod sa panggagahasa, dumanas din ng matinding pagpapahirap ang mga menor-de-edad na miyembro, tulad ng pagsasailalim sa ilang ritwal kung saan pinapalo ng kahoy sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang pinupuwersa naman ang iba na mag-alay ng baboy para maging sakripisyo sa kanilang mga ritwal.
Ilan umano sa mga miyembro ng kulto ay nanggaling pa sa malalayong probinsya sa Mindanao kapalit ng pangako ng trabaho at magandang buhay.
Una nang nahatulan ng 40-taong pagkakulong si Faelnar dahil sa kasong “serious illegal detention” nang masagip ang mga kabataang miyembro nito na ikinulong sa loob ng punong tanggapan ng kanilang kulto sa Marikina Heights.
Patuloy na iginigiit naman ni Faelnar ang pagiging inosente.