MANILA, Philippines - Ibinasura ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamong inihain ng aktres na si Nadia Montenegro laban sa talent manager na si Annabelle Rama dahil sa pagpeke umano ng kontrata sa dalawang anak ng una habang ang mga ito ay nasa poder pa ng huli.
Ayon kay Assistant City prosecutor Diovie Macaraig-Calderon, ang kasong falsification laban kay Rama ay ibinasura dahil sa kawalan umano ng ebidensya.
Sa apat na pahinang resolusyon, tinukoy ni Calderon na ang lagda ni Montenegro sa kinukuwestiyong management contracts ay nagtugma sa specimens ng kanyang lagda, na nagpapakita na ginawa ito ng isang tao.
Dagdag pa nito, ang pagtutugma ay ginawa ng isang eksperto sa handwriting mula sa National Bureau of Investigation (NBI).
“After a careful consideration of the foregoing, the undersigned finds and so holds that there is no probable cause to charge the respondent Rama with the above-mentioned offense,” base sa resolusyon ng prosecutor.
Maliban sa reklamong falsification at use of falsified documents, nagsampa rin si Montenegro ng iba pang kaso laban sa kontrobersyal na talent manager.
Ang reklamo ay nag-ugat matapos na akusahan ni Montenegro si Rama ng child abuse na siyang nagma-manage sa showbiz careers ng dalawang anak ng una.
Itinanggi ni Montenegro na hindi siya pumipirma sa anumang kasunduan kay Rama para i-manage ang movie careers ng mga anak.
Sa parte naman ni Rama, pinaninindigan nito na si Montenegro ang nakiusap sa kanya na hawakan ang mga anak, at boluntaryo rin umanong pumirma ito ng kontrata para sa apat nitong anak na babae noong April 16, 2010.
“Considering that the NBI has found through the use of scientific methods that the questioned signatures and the specimen signatures were written by one and the same person and there being no evidence submitted by the complainant to support her claim, the undersigned is constrained to dismiss the instant complaint for insufficiency of evidence,” ayon pa sa resolution.