LPG tanks sumabog sa SLEX

MANILA, Philippines - Mistulang mga bombang nagsisabog ang mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) makaraang bumaligtad ang isang Elf truck na may karga ng mga ito, kahapon ng umaga sa may South Luzon Expressway (SLEX) sa may Taguig, kahapon­ ng umaga.

Masuwerteng nakaligtas naman sa tiyak na kapahamakan ang driver ng truck na si Romulo Manaig Ramos at ang hindi pa nakikilalang pahinante nito na nagawang makalabas ng trak bago tuluyang masunog ang behikulo. Isinugod na ang dalawa sa pagamutan.

Nabatid sa ulat na dakong alas-6:44 ng umaga nang bumaligtad at sumalpok ang 6-wheeler Isuzu Elf na may kar­gang 50 LPG tanks na minamaneho ni Ramos makaraang makalas ang isa nitong gulong habang binabagtas ang southbound lane ng SLEX sa may bandang Sucat. Sumadsad ang truck sa center island ng expressway habang ma­bilis na nakalabas ang dalawang sakay.

Nag-umpisang isa-isang sumabog ang mga tangke ng LPG at nagtalsikan ang mga piraso nito na dahilan para maantala ang daloy ng trapiko sa SLEX. Dakong alas-9 na ng umaga nang maapula at maalis ang truck sa gitna ng SLEX.

Sa kuha ng CCTV ng Skyway Corporation, lumalabas na mabilis ang takbo ng truck kaya sumabog ang likurang bahagi ng gulong nito. Masuwerte naman umanong nakapreno agad ang mga nakabuntot na sasakyan nito at walang ibang nadamay sa insidente.

Nabatid na ilang PVC pipes sa drainage ng Skyway at dalawang poste ng ilaw ang natunaw dahil sa pagsabog at sa sunog. Isinasailalim ngayon sa pagsusuri ang “structural integrity” ng Skyway upang mabatid kung naapektuhan ito ng pagsabog.  

Show comments