Jaywalker, biktima ng hulidap
MANILA, Philippines - Inaalam ngayon ng Caloocan City Police kung mga lehitimong tauhan ng city hall o ng barangay ang tatlong hindi pa nakikilalang lalaki na nang-hulidap sa isang lalaki na naaktuhan na lumabag sa “anti-jaywalking ordinance”, kamakalawa ng gabi sa naturang lungsod. Nakilala ang biktima na si Raymond Ballesteros, 37, ng Reparo St., Brgy. Bagong Barrio, ng naturang lungsod. Natangay umano ng mga salarin ang P2,500 pera ng biktima.
Sa salaysay sa pulisya ni Ballesteros, tumawid siya sa EDSA sa may Monumento nang lapitan ng isang lalaki na nakasuot lamang ng puting t-shirt at hinuli siya dahil sa kasong jaywalking. Dinala umano siya sa isang multi-cab na nakaparada sa gilid ng EDSA ngunit hindi nito naplakahan at dito lumutang ang dalawa pang kasamahan ng suspect.
Tinanong umano siya ng mga salarin kung may perang pang-multa sa nilabag at nang sinabi ay sapilitan umanong kinuha ang kanyang wallet na naglalaman ng P2,500. Dito na siya iniwan ng mga salarin nang hindi man lamang iniisyuhan ng tiket sa ginawang paglabag.
Matatandaan na pinaigting ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panghuhuli sa mga lumalabag sa “anti-jaywalking ordinance” kung saan kasama ang EDSA-Monumento sa mga “hotspot” na lugar. Ngunit hindi naman nagsasagawa ng operasyon ang MMDA tuwing gabi habang ang mga tauhan ng Caloocan City Hall ang namamahala ng trapiko.
- Latest
- Trending