Mega City ipinanukala
MANILA, Philippines - Naniniwala si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na kailangan nang lumikha ng bagong “Mega City” ang pamahalaan na magiging bagong sentro ng pamahalaan at kultura ng bansa.
Ibinase ito ni Tolentino sa mga problemang kinakaharap sa pag-debelop at pagsasaayos sa Metro Manila na kasalukuyang sentro ng Pilipinas sa gobyerno at eko nomiya.
Kabilang sa mga hindi na makayanan ng Metro Manila ang labis na populasyon na nagresulta ng napakaraming “squatter’s area”, napakaraming sasakyan na dulot ang buhol-buhol na trapiko at napakaraming basura na dulot naman ang pagbabaha.
Sinabi ni Tolentino na ang bagong “Mega City” na kanyang nais ay dapat iayon sa masusing pagpaplano para sa kinabukasan na may tatak Pilipino. Ang bagong kapital umano ay dapat ring may pinakabagong teknolohiya sa impormasyon, transportasyon at komunikasyon at mangunguna sa pagtitipid ng enerhiya kung saan ipo-promote ang uri ng transportasyon tulad ng mga alternatibong sasakyan at pagbibisikleta.
Binanggit ni Tolentino na ilan sa mga posibilidad na lugar na pagtayuan ng bagong Metro City ang bayan ng Tanay sa lalawigan ng Rizal na may 200 square kilometers at may taas na 100-900 meters elevation para maiwasan ang pagbabaha at nasa isa hanggang dalawang oras lamang ang biyahe mula sa Metro Manila.
Ilan pang posibleng lugar na maaaring itayo ang bagong kapital ng Pilipinas ang San Rafael, San Ildefonso at Doña Remedios Trinidad na pawang nasa lalawigan ng Bulacan.
- Latest
- Trending