Manila, Philippines - Umaabot sa 2,000 residente ang naapektuhan matapos makalanghap ng ammonia mula sa sumabog na planta ng yelo sa Brgy. Sta. Cruz, Quezon City kahapon ng umaga.
Sa ulat ni P/Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Masambong PNP Station 2 ng QCPD, dakong alas-10:30 ng umaga nang sumabog ang valve ng ammonia sa compound ng Genuino Ice plant sa panulukan ng Moran at Gen. Lim Streets.
Napilitang maglabasan sa kani-kanilang bahay ang 2,000 residente dahil sa pananakit ng dibdib at pagkahilo sa masamang amoy ng kemikal na nagmula sa nasabing planta.
Ayon kay Sanchez, umaabot sa 300 kabataan ang isinugod sa ospital habang ang 30 bata naman ay dinala sa bisinidad ng drug store kung saan sila pinahiga sa labas at inayudahan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na inaayos ng mekanikong si Eduardo Sison ang check valve ng ammonia nang biglang bumigay ito at nagbuga ng malakas na pressure.
Hindi naman naapektuhan ang mga mag-aaral sa PMI Colleges sa Roosevelt Ave. na may ilang metro ang layo sa ice plant.