Manila, Philippines - Pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang isang miyembro ng Akyat-Bahay Gang na natagpuan sa bisinidad ng Daffodil St. sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City kahapon ng umaga.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktimang nasa 25-anyos at nakasuot lamang ng itim na t-shirt at short pants.
Sa ulat ni P/Supt. Rodel Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QC PNP, pasado alas-5 ng umaga nang madiskubre ng bangkay ng isang lalaki.
Sa pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), ang biktima ay pinatay sa sakal kung saan narekober sa kanyang bag ang screwdriver, electrical cord at karatula na nakasaad ang panawagan sa kapwa niya akyat-bahay na magbago na dahil hindi pa huli ang lahat.