MANILA, Philippines - Binatikos ni dating Manila Mayor at Environment Secretary Lito Atienza ang plano ng lokal na pamahalaan ng Maynila na i-reclaim o tambakan ang bahagi ng dagat ng Manila Bay.
Ayon kay Atienza, kuwestiyunable ang ipinasang ordinance no. 8233 ng lungsod ng Manila ito ay dahil malinaw na paglabag sa batas dahil sa walang naganap na konsultasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng Manileño.
Ang nasabing ordinansa umano ay ipinasa noong Hunyo 6, 2011 kung saan binaliktad umano ni Vice Mayor Isko Moreno ang 1993 ordinance 7777 at isinumbong lang sa kanya kamakailan ng nakonsensyang empleyado din ng city hall.
Paliwanag pa ng dating Kalihim, ang Ordinance 8233 ay ipinasa ng kasalukuyang pamahalaang lungsod ay isang malinaw na paglabag sa Environment and Natural Resources 7777 na nagbabawal sa pagtatambak ng bahagi ng Manila Bay mula sa US embassy hanggang Cultural Center of the Philippines (CCP) kung saan nagsisimula ang boundary ng Manila at Pasay.
Bukod dito wala rin umanong nakalagay sa ordinansa kung gaano kalawak ng Manila Bay ang tatambakan at kung ano ang itatayo at kahit wala pa umanong malinaw na proyekto dito ay mayroon ng kausap na contractor ang lokal na pamahalaan.
Nilinaw naman nito na walang kinalaman sa pulitika ang kanyang pagbubunyag dahil hindi naman siya tatakbong alkalde o anumang posisyon sa Maynila kundi nagmamalasakit lang siya sa lungsod na kanyang kinalakihan na dating may malinis na dagat.