MANILA, Philippines - Matapos ang katakut-takot na batikos na tinanggap, pinababasura na ni Pasay City Mayor Antonino Calixto ang umiiral nilang ordinansa na nagtatakda ng buwis sa pag-aalaga ng aso at pagmamay-ari ng bisikleta ng kanilang mga residente.
Nagpadala na ng liham si Calixto sa Pasay City Council na hinihiling na ipawalang-bisa na ang Section 82 (Dog License Fee) at Section 83 (Bicycle License Fee) ng Pasay City Revenue Code (Ordinance 1614 series of 1999).
Mistulang hugas-kamay naman si Calixto nang igiit na noong 1999 pa naipasa ang ordinansa sa panahon pa noon ni dating Mayor Jovito Claudio. Tinangka naman itong ipatupad ngayon ng kasalukuyang City Treasurer na si Manuel Leycano, Jr. saka tumanggap ng mga batikos hanggang sa ipasuspinde ni Calixto.
Ipinaliwanag ni Calixto na sakop na umano ng taunang pondo nila ang rehistrasyon at pagpapabakuna ng anti-rabies ng mga aso sa lungsod kaya hindi na kailangang magbayad ang mga may-ari. Maaari naman umano na isyuhan ng license plates para sa mga bisikleta nang hindi pinagbabayad ang mga may-ari.