MANILA, Philippines - Patuloy ang pagtugis ng mga awtoridad laban sa tumakas na gunman na namaril sa dalawang katao dahil lamang sa away trapiko sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon kay Supt. Michael Macapagal, hepe ng Quezon City Police District-Station 9, patuloy pa rin ang pangangalap nila ng impormasyon laban sa nasabing suspect dahil ang nakuha nilang registration records ay hindi updated, bunsod ng nakalistang may-ari ng sasakyan na ginamit ng suspect ay hindi na siya ang nagmamay-ari ngayon.
Nagtungo ang tropa ng QCPD sa Makati City ang nadiskubre nilang bahay ni Diosdado Picar, ang pangalan ng naunang binanggit bilang nasa listahan ng may-ari ng van na ginamit ng road rage suspect ay wala sa bansa dahil nagtatrabaho na ito sa abroad kung saan sinabi ng asawa nito na ang puting Mitsubishi L300 van (UTA-657) ay naibenta na nila noong pang 2000.
Sinabi rin ng opisyal, tinitingnan pa rin nila ang iba pang rekords mula sa Land Transportation Office, lalo na kung ang sasakyan ay napa-rehistro na matapos na ibenta ito noong 2000.
Magugunitang biktima ng pamamaril ng suspect sina Marlon Cabuñag, 39, tricycle driver na nakaengkuwentro ng suspect matapos ang iringan sa trapiko at si Carlo Kyle Cuntapay, 13, ay nadamay lamang sa pamamaril ng suspect.