Parak itinumba ng tandem
MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem ang isang pulis-Maynila habang inihahatid ang kanyang anak sa eskuwela kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Tama ng bala ng baril sa ilong at tagiliran ang tinamo ng biktimang si PO3 Reynaldo Olivo na dating nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Station 5.
Si Olivo ay magugunitang kabilang sa iprinisinta sa mga mamamahayag ni Manila Mayor Alfredo Lim kasama si PO1 Vincent Paul Medina at PO3 Benito Casauay na inireklamo sa pangongotong ng mga dayuhang Koreano na sina Lee Jun Hee, Baek Sung Kyun at Japanese national naman na si Iwasaki Kinitchi.
Binansagan ding “Tuwalya boys” sina Olivo dahil tinatakpan nila ng tuwalya ang kanilang “name plate” kapag may bibiktimahing dayuhan.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO3 Dennis Javier ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-7:10 ng umaga sa kanto ng Masinop at Cristobal St., sa Tondo, Maynila.
Nabatid na naglalakad umano ang biktima kasama ang kanyang anak nang tabihan ng mga suspect at barilin. Nang makitang bumulagta si Olivo, mabilis na umano itong nagsitakas.
Nabigo naman ang pulisya na mailarawan ang mukha ng suspect dahil hindi ito nakilala ng mga testigo sa suot na sumbrero.
Patuloy naman ang pulisya sa imbestigasyon sa posibleng motibo ng pagpaslang kay Olivo.
- Latest
- Trending